Napakasimple ng kuwento ng pelikulang Inang Yaya na nagawa na noon sa mga pelikula at napakaraming soap opera at drama anthologies sa telebisyon kaya akala namin ay ‘one of those’ tearjerkers lang ito nang panoorin namin sa press preview.
Hindi namin akalain na sa kasimplehang ‘yon ng istorya ay maaantig nito nang husto ang aming damdamin.
Si Norma (Maricel Soriano) ay naninilbihan bilang yaya ng batang si Louise (Erika Oreta). Kapwa working parents ang Mommy May (Sunshine Cruz) at Daddy Noel (Zoren Legaspi) ni Louise kaya ang palagi nitong kasama ay si Yaya Norma, na napakalapit sa bata at halos nanay na kung ituring nito.
Si Norma ay may sariling anak, si Ruby (Tala Santos) na kaedad ni Louise. Sa probinsiya nakatira si Ruby kasama ang kanyang Lola Tersing (Marita Zobel) at tuwing bakasyon lang ito nadadalaw ni Norma.
Nang pumanaw ang lola ni Ruby, napilitan si Norma na dalhin sa Maynila ang anak at patirahin din ito sa bahay ng kanyang mga amo.
Nang magpasya ang kanyang mga amo na manirahan sa ibang bansa, kailangang mamili si Norma kung sasama siya upang huwag malayo sa kanyang mahal na alaga o mananatili siya rito para maging ina sa kanyang pinakamamahal na anak.
Sino ang pipiliin ni Norma — si Ruby o si Louise?
***
Makabago, makatotohanan at ngayon na ngayon ang Inang Yaya na feature film debut ng baguhang direktor na si Pablo Biglang-awa at sinulat ni Veronica Velasco (na co-director ng pelikula).
Pinatunayan ng dalawang bagitong direktor na ito na hindi kailangan ng malaking budget o ng mamahaling special effects para makalikha ng isang makabuluhang produkto. Mahihiya ang ibang beteranong direktor kina Pablo at Veronica sa galing nilang mag-motivate ng kanilang mga artista at humugot ng makatotohanang pagganap mula sa mga ito. Maging sa aspetong teknikal ay kapuri-puri ang pelikula at pulido sa bawat anggulo.
Tama ang desisyon ng Unitel na kumuha ng mga bagong dugo na bibigyan ng pagkakataon na gumawa ng pelikula dahil sa mga nakaraang produksyon nila ay ang indie digifilm na Nasaan Si Francis? (2006) lang ang nagustuhan namin, bukod sa initial venture nila noon na American Adobo (2001). Ngayon ay numero uno na sa listahan namin ang Inang Yaya.
***
Makaka-relate ang maraming Pinoy sa Inang Yaya, lalo na ‘yung mga lumaking may tagapag-alaga at nakagisnang ‘pangalawang ina’ sa katauhan ng kanilang mga butihing yaya.
Nagustuhan namin ang karakter nina Sunshine at Zoren bilang modernong mga amo na mababait at hindi na iba ang turing sa yaya ng kanilang anak (hindi ‘yung stereotype na malulupit at matapobre).
Wala kaming itulak-kabigin sa dalawang batang babae na tampok sa pelikula. Swak na swak sa kanilang karakter sina Tala at Erika, na napili mula sa napakaraming bagets na nag-audition.
Natural na natural si Tala bilang poor kid pero street-smart na si Ruby, at very lovable si Erika bilang sosy but sweet rich kid na si Louise.
Hanep ang mga eksena ng dalawang bagets at animo’y hindi sila umaarte. Deserving silang pareho na bigyan ng award for Best Child Actress.
Maging ang mga ekstrang bata sa movie ay agaw-eksena, lalo na ‘yung dalawang mean girls na ang babagets pa ay ang gagaling nang mang-okray!
Standout din si Ms. Liza Lorena bilang Lola Toots, ang mahadera at matapobreng lola ni Louise. Kasuklam-suklam ang karakter niya pero may change of heart siya in the end, kaya pinaluha niya rin kami nang husto.
Effortless si Ms. Liza at pasok siya sa listahan namin ng Best Supporting performances sa taong ito.
Pero ang tunay na puso at kaluluwa ng Inang Yaya ay ang bidang si Ms. Maricel Soriano (na isa rin sa mga producer nito).
Lutang na lutang ang pagiging tunay na aktres ni Marya sa pelikulang ito. Tila nagbalik ang ‘rawness’ ng kanyang pagganap at nawala ang kanyang ‘mannered’ at ‘gigil’ acting.
Makadurog-puso ang mga simpleng nuances niya at hindi si Maricel ang nakita namin sa screen kundi ang kanyang yaya karakter.
Hindi ino-OA ang kadramahan kaya hindi ito lumabas na katsipang melodrama.
Maraming eksena na sapul na sapul ang puso namin at tahimik lang kaming nanonood pero tuluy-tuloy ang pagdaloy ng aming masaganang luha.
Sa katunayan ay gusto na namin agad itong matapos dahil sikip na sikip na ang dibdib namin. Pero pagkatapos ng screening ay parang ang gaan ng pakiramdam dahil ang sarap-sarap lumuha!
Isa ito sa best performances ni Maricel kundi man best performance ever ng kanyang buong career.
Bago namin ito napanood ay si Gina PareƱo ang Best Actress bet namin (para sa Kubrador) so far this year, pero binago ‘yon ni Maricel.
Para sa amin ay ito na ang panahon para siya’y maka-grandslam!
Thursday, November 30, 2006
Sapul na sapul ang aming mga puso
Allan Diones Review of INANG YAYA in Abante Tonite
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment