Pinakamahusay na Dulang Pampelikula
Kagaya ng halos lahat na kategorya para sa gawad sa taong ito ng Film Desk of the Young Critics Circle, nag-iisang pelikula lamang ang nahirang para sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula.
Inang Yaya (Unitel Pictures)—VERONICA B. VELASCO
Sa unang sipat, tipikal na melodrama ang kwento ng Inang Yaya. Gaano na nga ba karami at kalasak ang pelikulang Pinoy tungkol sa sakripisyo ng isang ina? Ilang pelikula na nga ba ang nagpaiyak sa maraming manonood sa pagpapakita ng iba’t ibang pasakit na dinanas ng isang nanay? Kadugtong man ang Inang Yaya sa mahabang linya ng pelikulang lokal na tumatalakay sa drama ng pagiging ina, namumukod-tangi pa rin ito at sadyang naiiba lalo na sa masinop na pagsasadula ng kuwentong hindi kailangang maging bago ngunit nakapagbigay ng anyong siya mismong nakapagpabago sa mismong genre ng pelikulang kung saan ito nakahanay.
Kamangha-mangha kung paano ang pelikulang kunwang stereotype ng pelikulang melodrama ay nakapaglahad ng maraming katotohanan: ang tensiyon at tunggalian ng mga uri, ang mga nagaganap na pang-araw-araw na salpukan ng babae sa kapwa babae, ang nahimay na mga kontradiksyon na maaring mamugad sa kamalayan ng sinuman taliwas sa de-kahon na pagsasa-katauhan sa kanya ng lipunang kanyang kinagagalawan.
Mapapansing angat ang iskrip ng Inang Yaya lalo na sa maraming eksenang hindi maitatatwang kapani-paniwala, binusisi at sinaliksik. Labag sa pormula ng maraming pelikula, katangi-tangi ang pelikula sa pagbibigay buhay sa mga tauhang higit sa dalawa ang dimension at hindi basta hinati sa kung sino ang bida sa kontrabida.
Sa mga kadahilanang ito at higit pa, buong loob na nilalaan ng Film Desk of the Young Critics Circle ang natatanging parangal sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula sa Inang Yaya.
No comments:
Post a Comment