LOLA TOOTS: Alam ba ng Nanay mo na andito ka?
RUBY: Galit ho siya sa akin. Mas gusto na niya si Louise.
LOLA TOOTS: Paano nangyari 'yon? E ikaw ang anak niya.
RUBY: Kahapon binili niya ako ng sapatos. Pero fake naman, kaya ayokong suotin.
LOLA TOOTS: Naiintindihan kita. Ako man, ayoko ng fake.
RUBY: Tapos kaninang umaga, nakita ko na lang, suot ni Louise.
LOLA TOOTS: Sinuot ni Louise 'yung sapatos mo, kahit fake?
RUBY: Opo. Ngayon, galit silang dalawa sa akin.
LOLA TOOTS: Hmmmm.... Kailangan mong mag-sori.
RUBY: Ako magso-sori?! Bakit ako?
LOLA TOOTS: Sa palagay mo, bakit sinuot ni Louise 'yung sapatos mo?
RUBY: Kasi gusto niya kanya lahat. Swapang kasi siya. Nainggit, kasi wala siyang regalo.
LOLA TOOTS: Kung buhay ang lola mo, kukurutin ka n'on. Mali!
RUBY: Anong mali d'on?
LOLA TOOTS: Huwag kang tanga. Gamitin mo ang kukote mo. Bakit sinuot ni Louise 'yung sapatos na bigay ng Nanay mo?
Mapapaisip si Ruby.
RUBY: Kasi bigay ni Nanay?
LOLA TOOTS: Magaling.
RUBY: Pero kung sinuot ko 'yon, pagtatawanan lang ako nila Alexa at Margarita. Sasabihin nila, anak lang kasi ako ng katulong.
LOLA TOOTS:Sino naman si Alexa at Margarita?
RUBY: Busmates namin.
LOLA TOOTS: Mas importante pa ang mga busmates mo kaysa sa Nanay mo?
Ngayon lang mauunawaan ni Ruby na siya ang mali.
RUBY: Hindi po.
LOLA TOOTS: O, huwag kang iiyak! Kung iiyak ka lumayas ka dito! Baka akalain na naman ng Nanay mo, inaano kita!
Monday, July 17, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment